MAYNILA - Unti-unti nang nagbubukas muli ang ekonomiya ng ibang bansa kaya’t umaangat na rin ang deployment ng overseas Filipino workers para sa iba’t-ibang trabaho.
“Dahil sa nangyaring pandemya last year kung saan bumaba ang ating deployment, ngayong taon 2021, unti-unti nang umaangat na ang ating pagpapadala ng mga OFW abroad dahil unti-unti na rin nagbubukas ang ekonomiya ng iba’t ibang traditional destination countries natin,” pahayag ni Administrator Bernard Olalia, ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Isa umano sa in demand na trabaho ay ang para sa healthcare workers kung saan naidedeploy sila sa Europa, America at ASEAN regions.
“Maliban po sa HCWs nandyan din po, nagbukas ang Europe. Meron po silang tinatawag ngayon for example sa Germany, yung new skilled workers na kung saan tatanggap sila ng professionals natin like accountants, engineers. May bago silang ipinasang batas doon. Ayon sa batas nila, tatanggap sila ng workers kahit na ang mga workers na ito ay galing sa non-EU countries tulad ng Pilipinas,” sabi ni Olalia.
Mas nais umano ng mga employer ang manggagawang Pilipino kaya’t nakikipagpulong ang mga ito sa POEA at sa Labor Attache para agad na maumpisahan ang government o private track sa deployment ng skilled workers sa Germany.
Bukas dina ng ibang bansa sa Europe tulad ng Czech Republic at Poland kung saan nangangailangan sila ng mga factory worker.
“Maraming job orders available kaya lang kailangang maging mapanuri po tayo. Suriin natin ang mga employment contracts na kanilang inoffer kasi dyan sa Poland, maraming employers dyan na outsourcing kung tawagin, sila po yung nagaahente. Hindi po sila yung direct employers. Hindi po natin pinapayagan yun kasi may posibilidad po na yung OFWs natin magtatrabaho sa Poland as factory workers, pag outsourcing yan ay male-layoff. Ang gusto natin may security of tenure ang ating mga OFW patungo ng mga bansang yang,” paliwanag niya.
May available na trabaho din para sa mga construction workers sa bansang Guam at Middle East countries at farm workers din sa UK at Poland.
“Ang deployment po ay dalawa. Either kayo ay aalis as an agency hired, ibig sabihin may local ageny dito sa ating bansa, o kaya kayo ay aalis bilang isang government hired, ibig sabihin meron tayong bilateral labor agreement,” sabi niya sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga.
Muli namang nagpaalala ang POEA sa mga nagnanais na makapagtrabaho sa labas ng bansa na huwag basta-basta kakagat sa mga alok na galing sa social media.
“Sa FB pages may mga announcement ng job opportunities sa abroad at hindi nyo malalaman kung ito ay lehitimo o hindi hanggat hindi po ninyo bine-verify sa aming official POEA website,” sabi niya.
Dagdag niya na dapat ay malaman din ng mga OFW ang red flags. Isa na rito ay kapag sila ay pinagbabayad muna ng reservation, placement fee at iba pang fee.
“Hindi po ganun ang regularsyon natin. Ang pagbabayad po may regulasyon yan, yan pong pagbabayad na yan nasa dulo na, pag tapos na po lahat ng proseso at kayo ay may employment visa na,” sabi niya.
May kautusan din aniya ang POEA hinggil sa mga hindi na dapat pinagbabayad ng placement fee.
“Ang mga marino natin wala pong binayaran yang placement fee. Ating mga drivers, gardeners, low-skilled, HSW (household service worker), wala pong binabayarang placement fees kasi nakakarinig ako ng papunta sa Singapore nagbabayad daw ng napakalaking placement fees. Isumbong po ninyo dito sa amin sa POEA at kami na po bahalang hahabol doon sa mga ahente, mga rescruitment agencies na sumisingil ng hindi po tama,” sabi niya.
Ipinaalala din ni Olalia na may mga destination countries na nagrerequire ng bakuna kontra COVID-19. Meron din aniyang iba na hindi naman requirement habang may ilang bansa din ang may vaccine brand preference naman.
“Makikita nyo yan yung vaccine preference, kung kailangan bakunado kayo, kahit hindi kayo bakunado, sa aming POEA website. Meron kaming appropriate labor advisory sa bawat bansang pupuntahan nyo. Kung di nyo alam kung ang bansang ito ay nagrerequire ng ganitong requirements, tumawag lang po kayo sa aming mga opisina,” sabi niya.
Dapat din aniya na huwag kalimutan na ipa-convert ang vaccine card na naisyu ng local government units sa yellow car o ang opisyal na iniisyu ng Bureau of Quarantine.
“Kung kayo po ay aalis kasi, titingnan nila kung ito ay confirmed o verified ng isang national agency ng Philippine government. Meron namang green lane kapag kayo ay OFW. Ibig sabihin kapag kayo ay paalis na, makipag-ugnayan lang po kayo either sa OWWA, sa inyong ahensiya o sa BOQ focal person para kayo ay unahin o bigyan ng pribilehiyo sa tinatawag na green lane,” saad niya.
OFW Deployment, POEA, Bernard Olalia, OFW, work abroad, TeleRadyo, overseas job opportunities