PatrolPH

Dahil sa pagod, naantalang suweldo: 79 frontliners sa Quezon nag-resign ngayong taon

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2021 07:58 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nasa 79 na nurse ang nagbitiw na sa 16 government hospitals sa Quezon Province, ayon sa tala ng provincial health office. 

Kabilang dito ang nasa 60 nurse na nagbitiw sa Quezon Medical Center mula Enero hanggang ngayong Setyembre. 

Kabilang sa mga dahilan ay ang pagod, pangamba sa COVID-19 at oportunidad abroad, at ang naunsiyaming pagtaas ng kanilang suweldo mula salary grade 11 papuntang salary grade 15 na ipapatupad dapat ngayong taon alinsunod sa batas. 

"Isang malaking factor 'yan maybe partly 'yung talagang nababaan 'yung kanilang income, compared to jobs abroad and more on frustration as it’s already in the law. We were always operating the hospital on a handicapped staffing sa nurses," ani Quezon Medical Center chief of hospital Dr. Rolando Padre. 

Hindi natuloy ang pagbibigay ng mataas na suweldo sa mga nurse sa Quezon dahil reenacted budget lamang ang nagagamit ngayon matapos hindi aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang 2021 Proposed Annual Budget na P3.8 bilyon. 

Dahil reenacted na ang budget, apektado ang mga programa ng kapitolyo kabilang ang para sana sa mga nurse. 

"Ang isyu doon is very simple, kapag ginamit ko 'yung reenacted budget na 2020, 2019 wala pang COVID noon, so wala ako pang-COVID response for the 2021 budget, kaya 'yung tulong na natatanggap ko galing lahat sa national government," ani Quezon Governor Danilo Suarez. 

Umaasa naman ang head nurse ng Quezon Medical Center na si Yonito Rivero na mabibigyan sila ng tamang pasahod: "Siguro it’s about time naman na makakuha kami ng tamang compensation para at least magbigyan ng hustisya 'yung pagkapagod namin dito." 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.