PatrolPH

TIPS: Ilang ligtas na paraan para ipagdiwang ang Pasko habang pandemya

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 08:05 PM

MAYNILA - Hindi maipagkakaila na isa sa mga pinakaaabangan taon-taon ng mga Pilipino ang Kapaskuhan. 

Pero ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at nililimitahan ang paggalaw ng mga tao para maiwasan ang hawahan, may ilang payo ang grupong Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) para maipagdiriwang pa rin ang Pasko habang sumusunod sa inilatag na quarantine protocols na gobyerno. 

"Kami sa HPAAC naniniwala na kaya nating mag-Pasko pa rin tulad ng dati - pero with a twist. So paano mag-shopping? Mag-online shopping. Kung Misa de Gallo, mayroon na kaming drive-thru na misa," ani Dr. Aileen Espina ng HPAAC. 

Batid ng grupo na hindi talaga maiiwasan ang pagkakaroon pa rin ng reunion kaya payo nila, dapat magkaroon ng masusing pagpaplano para rito. 

"Kailangan alamin natin ang existing ruling sa inyong barangay kung mag-iimibita tayo outside of the household. So siguraduhin natin na may panghugas tayo ng kamay. Pang-disinfect. Lahat ng dadalo naka-mask. 'Pag kumpol-kumpol, kung sino ang magkakasama sa bahay, sila ang magkakasama sa mesa," ani Espina. 

Naghihigpit din ng sinturon ang ilang pamilya dahil sa mga pinadapang industriya ng pandemya. 

Payo ng HPAAC na kung magreregalo man, dapat iregalo ang mga magagamit talaga kahit naka-quarantine o naka-isolate. 

Kung maaari, i-disinfect ang mga ito at iwanan na lang ng ilang araw sa labas bago buksan. 

Payo nila isapuso rin ang Tatlong "W" - "Wear mask, watch distance, at wash hands." 

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.