Inilunsad ngayong Setyembre 24, 2020 ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kanilang "Balik-Eskwela" hotline para bantayan ang kaligtasan ng mga education worker, magulang at guro sa paghahanda sa pagsisimula ng pasukan. Retrato mula sa ACT
Inilunsad ngayong Huwebes ng isang grupo ng mga guro ang isang hotline kung saan maaaring idulog ng mga guro, non-teaching personnel, magulang at estudyante ang kanilang mga concern kaugnay sa nalalapit na pagsisimula ng klase.
Sa paglulunsad ng kanilang "Balik-Eskwela" hotline, layon ng grupong Alliance of Concerned Teachers na bantayan at tiyaking ligtas ang mga paghahanda para sa school opening ng mga public school sa Oktubre 5.
Maaaring makipag-ugnayan sa grupo sa mga numerong 09531621571 at 09499263996.
Sa launch ng hotline, muli ring idinaing ng ilang guro ang pagiging tambak nila sa trabaho bunsod ng pagpapatupad ng distance learning.
"Mayroon kaming 270 students na kailangan mong i-monitor isa-isa, kung may isang 'di pumasok, kailangan mo i-call ang attention ng adviser at magulang. Kasabay pa nito ang pinapagawa sa aming learning delivery modality," anang guro na si Maricel Herrera.
"Mayroon nang mga report na nagkakasakit na [ang mga guro] dahil sa preparations. Kahit nagka-COVID-positive si teacher, kailangan gumagawa. Kung hindi, kailangan mag-leave pero without pay," dagdag niya.
Ayon naman sa guro na si Vyne Tesorero, naghanap pa siya ng bond paper para lang sumapat ang pini-print na learning module at hindi na maghati pa ang kaniyang mga estudyante.
Tingin ni Tesorero ay magiging hamon ang pagkatuto sa darating na pasukan dahil sa limitadong learning resources.
"Kahit ang Pasig, magbibigay ng tablet, 'di aabot sa October 5 kaya ang learning modality is through self-learning modules. So ang challenge, paano sila matututo," ani Tesorero.
"'Yong face-to-face [classes], challenge na eh... paano na ngayon sa Pasig, na chat-based. Wala nang free data," dagdag niya.
Nauna nang nanawagan ang ACT sa DepEd na pagaanin ang workload o dami ng trabaho ng mga guro dahil nakararanas na umano sila ng matinding pagkapagod.
Nag-aalala rin ang grupo sa pondong inilaan para sa DepEd sa panukalang 2021 budget dahil hindi raw ito sapat.
Nasa P605 bilyon ang inilaang pondo para sa DepEd sa ilalim ng panukalang 2021 budget.
"Nakapalaki ng pangangailangan natin para matiyak ang pagbabalik-eskuwela nang ligtas at kalidad ang edukasyon," ani Kris Navales, tagapamuno ng Quezon City Public Schools Teachers Association.
Nauna nang sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na hihilingin nila sa Kongreso na magsagawa ng adjustment sa ilang allocation sa panukalang budget para mapondohan nila ang mga mas mahahalagang proyekto.
Inihayag na rin ng DepEd ang plano nitong pagbibigay ng internet allowance kada buwan sa mga guro at kawani. — Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Alliance of Concerned Teachers, school opening, Balik-Eskwela, Balik-Eskwela hotline, Department of Education, School Year 2020-2021, teachers, coronavirus education, education new normal