Sasakyan tumagilid matapos sumalpok sa concrete barrier sa EDSA

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 05:42 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang drayber matapos sumalpok ang minamaneho niyang sasakyan sa hilera ng mga concrete barrier sa EDSA-Kamuning Flyover sa Quezon City Huwebes ng hatinggabi.

Sa lakas ng pagkakasalpok sa mga barrier ay tumagilid ang sasakyan ni Dominador Velasco at humambalang ito sa isang northbound lane ng flyover.

Nasira rin ang nasa 3 concrete barriers.

Ayon kay Patrolman Emmanuel Loyola na nakakita sa aksidente,
pauwi na siya mula duty at binabaybay ang flyover nang makita niyang bumangga sa barriers ang sasakyan na minamaneho ni Dominador Velasco.

Hindi aniya ganun kabilis ang takbo ang sasakyan. 

Nakausap ni Loyola umano ang driver at sinabi sa kanya nito na may nakausling barrier kaya nabangga niya ito.

Nagtamo ng minor injuries si Velasco at agad naman nalapatan ng paunang lunas. 

Agad rin rumesponde ang Metropolitan Manila Development Authority para maalis ang nakahambalang na sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.