MAYNILA— Bumuo ng mga mental health hotline ang siyudad ng Malabon para sa kanilang residente ngayong may pandemya.
Ayon kay Malabon Mayor Lenlen Oreta, isang seryosong usapin ang mental health kaya hindi ito dapat mabalewala.
"Marahil isa sa mga dahilan nito ay iba-iba ang paraan ng pagtanggap ng isang tao sa mga pangyayari na nagaganap sa kaniyang buhay o sa paligid niya. Kaya ‘wag balewalain ang depression dahil it is really happening," ani Oreta sa isang Facebook post.
Layunin aniya ng mental health hotlines na matugunan ang mga residenteng nakararanas ng matinding depresyon o matinding kalungkutan, stress, takot, pag-aalala na nakakaapekto na sa mental health, lalo na ngayong pandemya.
Katuwang ng LGU ang Diocese of Caloocan, Mental Health First Response at Volunteer Corps PH Psychological First Aid sa proyekto.
Umaasa ang LGU na sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline at pakikipag-usap sa mental health professional, mapapawi o mababawasan ang ano mang nararanasan ng mga residente na nakaapekto na sa kanilang mental health.
Sa mga kailangan ng tulong, maaaring tumawag sa mga numerong 09615398437 at 09274126379.
— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, mental health hotline, Malabon, mental health, hotline, kalusugan, Malabon LGU