MAYNILA - Matapos ang 2 linggong lockdown, hindi pa rin makalalabas ng bahay ng isa pang linggo ang mga nakatira sa isang compound sa Bacoor City, Cavite.
Nitong Huwebes ng alas-4 ng umaga na dapat nakatakdang aalisin ang lockdown sa Nazareth Compound sa Bgy. Molino 3 na nagsimula noong Set. 10.
Pero inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Bacoor na palalawigin pa ang lockdown hanggang Okt. 1 dahil sa pagkakaroon ng 4 na bagong positibong kaso ng COVID-19 noong magsagawa ng ikalawang beses ng swab test doon.
Dahil dito, patuloy na nakairal ang stay-at-home policy sa 2,500 tahanan na bahagi ng compound. Maging mga authorized persons outside of residence ay hindi pa rin pwedeng lumabas ng kanilang bahay o kaya bumalik kung nasa labas sila noong isinagawa ang lockdown.
Bawal pa rin pumasok ang pampublikong transportasyon gaya ng mga tricycle.
Nagsabi ang lokal na pamahalaan na patuloy ang pamimigay ng pagkain sa mga apektadong residente, pero nanawagan ang ilang taga-roon na bigyang-atensyon din ang mga ibang pangangailangan tulad ng vitamins pati gatas at diaper ng mga sanggol.
Nauna nang itinalagang critical zone ang Nazareth compound dahil sa pag positibo ng 13 kaso ng COVID-19 doon sa unang swab testing noong Setyembre 9.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
lockdown, COVID-19, COVID-19 pandemic, Nazareth Compound, Molino 3, Bacoor, Cavite, TeleRadyo, Tagalog news