LGUs, may kani-kaniyang 'comfort level' sa pagbubukas ng turismo: ULAP head

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2020 01:26 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigpit ang koordinasyon na ginagawa ng Department of Tourism sa mga lokal na pamahalaan kaugnay sa unti-unting pagbubukas muli ng turismo.

“Kasi, sa ayaw at gusto natin, hindi natin made-deny na napakahalaga ng turismo sa ating ekonomiya,” pahayag ni Quirino Gov. Dakila Cua, national president ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) and chairman ng League of Provinces of the Philippines.

Sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga, sinabi ni Cua na noong 2019, mayroong higit sa P400-billion tourism receipts ang nagtulak sa ekonomiya ng bansa.
 
Marami rin aniya ang umaasang Pilipino sa industriya ng turismo.

“Kaya kailangan pag-usapan, pag-isipan at unti-unti na ihanda ang mga LGU sa posibleng pagbubukas ng turismo,” sabi niya.

May mga ilang LGUs na ang nakatakdang magbukas ng kanilang turismo, tulad ng Boracay at Baguio, sa Oktubre 1.

Pero ayon kay Cua, hindi lahat ay kayang sumabay.

“Iba-iba comfort level ng LGUs. Wala pong iisang position o iisang readiness. Merong ibang mas ready, at hinahangaan namin sila dahil sila ay nakahanda na sa pagbubukas. At meron namang iba na mas conservative, na hindi pa rin talaga handang-handa at nagpe-prefer na maghintay na lang nang konting panahon,” sabi niya.

Mayroon ding mga LGU na mas malaki ang resources at kakayanan para magpatupad ng maraming testing sa kanilang mga bisita, gayundin ang mag-invest para sa mas maraming imprastraktura para sa kaligtasan ng mga turista.

“Yung ibang mas handa at mas may kakayanan, nauuna usually,” sabi niya. 

Mahalaga rin aniya ang magiging sistema at plano ng mga tatanggaping turista.

“Ang balita ko kasi, ang mga turista, dapat pre-planned, pre-booked, naka-coordinate lahat sa LGUs bago sila tatanggapin. Hindi tulad ng dati na, naisipan natin ngayong umaga na pumunta ng Baguio, mamayang hapon nasa Baguio na tayo. Ang balita ko po, kailangang makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon," sabi niya.