Sasakyan sumalpok sa coffee shop, 4 sugatan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 03:55 PM

Sa halip na preno ay accelerator ang natapakan ng babaeng driver kaya't nasalpok niya ang apat na estudyanteng dumadaan sa harap ng kaniyang ipinaparadang sasakyan bago bumangga sa glass panel ng coffee shop. Larawan mula sa Butuan City Police Office

BUTUAN CITY - Apat na estudyante ang sugatan matapos sumalpok ang isang sasakyan sa glass panel ng isang baked goods at coffee chain dito sa siyudad Lunes ng hapon.

Ayon sa babae na nagmaneho ng sasakyan, imbes na preno ay accelerator ang kaniyang natapakan habang pumaparada. Dumiretso ang sasakyan at nasagasaan nito ang apat ng mag-aaral na dumaan sa harapan ng kaniyang sasakyan bago sinalpok ang salamin ng coffee shop.

Isinugod kaagad sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima.

Nakipag-usap na ang driver sa management ng tindahan at nangakong babayaran na lang nito ang danyos sa nabasag na salamin, ayon sa pulisya.

Nakipag-areglo na rin ito sa mga nasugatang estudyante at siya din ang sasagot sa mga gagastusin sa pagpapagamot nila.

Para naman maiwasan at hindi na maulit ang aksidente, ipinapatupad ng establisimyento ang parallel parking ng sasakyan ng kanilang customer at maglalagay rin sila ng babala sa harap ng glass panel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.