Pulis patay sa pamamaril sa Davao del Norte

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 11:02 PM

Patay ang isang pulis matapos barilin ng hindi pa kilalang salarin sa bayan ng San Isidro sa Davao del Norte nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Patrolman Alfie Alcano. 

Ayon sa imbestigasyon, sakay ng kaniyang motor galing sa kanilang bahay sa Barangay Monte Dujali ang pulis at pabalik na sana sa kaniyang trabaho sa 2nd Davao Del Norte Mobile Force Company sa Barangay Malitbog, Panabo City nang mangyari ang pamamaril.

Hindi na nakabunot ng baril ang biktima dahil sa likod ng ulo siya binaril ng gunman na nakasunod sa kaniya sakay din ng motor.

Matapos ang pamamaril ay tumakas agad ang salarin papunta sa bayan ng Asuncion, Davao del Norte. Hindi naman kinuha ang service firearm ng biktima.

Pinaniniwalaang miyembro ng New Peoples' Army ang responsable sa krimen lalo na't marami umanong rebelde sa lugar.

Kinondena ng Police Regional Office Eleven ang pagpatay kay Alcano.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.