Ginang minartilyo ng kinakasama sa Maynila, patay

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 05:36 PM | Updated as of Sep 25 2019 04:07 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (3rd UPDATE)—Patay ang isang ginang matapos umanong pukpukin ng martilyo ng kaniyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Connie Romero, isang empleyado ng Manila City Hall.

Sumuko ang suspek na si Eric Capulong kay Manila City Mayor Isko Moreno Martes ng gabi sa Bacoor City, Cavite.

"Buti naman napagtanto-tanto niya, bagay na kahaharapin sa nagawang krimen," ani Moreno.

Una nang sinabi ni Moreno na magbibigay siya ng P100,000 pabuya sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.

Selos ang posibleng motibo sa pamamaslang, ayon sa mga kapitbahay na nakarinig ng away ng mag-asawa. 

Kuwento ng isang kapitbahay na si Estela Balasabas, narinig niyang nagtatalo ang biktima at suspek bandang alas-10:30 Lunes ng gabi.

"Naririnig ko 'yung away nila. Sabi ni Connie, 'Wala akong lalaki.' Nagmumura siya," ani Balasabas. 

Pagdating ng madaling-araw, makikita sa CCTV na lumabas ng bahay ang suspek dala ang mga anak na 5 anyos at 2 anyos at dinala sa kaniyang kapatid.
 
Nang malaman ng kapatid ni Romero ang nangyari, agad itong pumunta sa bahay ng biktima, ayon kay Police Lt. Col. Carlo Manuel, public information officer ng Manila Police District (MPD).

Dito na nakita ng kapatid ni Romero ang bangkay ng biktima na nakaratay sa kama at punong-puno ng dugo. Basag din ang ulo ng biktima. 

Natagpuan ang duguang martilyo sa lababo.

Sa imbestigasyon ng MPD, lumalabas na nagtatangkang makipaghiwalay ng biktima sa suspek bago mangyari ang krimen. 

Kuwento ng mga nakatrabaho ni Romero, binabanggit sa kanila ng biktima na seloso ang suspek. 

"Minsan pumupunta 'yung asawa, sinisilip na lang bigla si Connie, nagugulat kami," ayon sa isang empleyado.—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.