Mawawala ba ang hazing sa hirit na gawin itong heinous crime?

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 03:31 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:51 PM

Watch more in iWantTFC

Gusto ng isang mambabatas, maging ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na gawing "heinous crime" o ituring na karumal-dumal na krimen ang hazing.

Kasunod ito ng pagkamatay ng kadete ng Philippine Military Academy na si Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Pero tingin ng abogadong si Noel Del Prado, "kulang" pa ang nilalaman ng batas upang ideklarang heinous crime ang hazing. Hindi aniya sapat ang mga nakasaad sa batas na nagbabawal sa hazing.

Mungkahi niya, dapat magsagawa ng mga programa na magtuturo sa mga opisyal at mga fraternity at sorority na bawal sa batas ang hazing.

"Sa tingin ko kulang dahil dapat siguro isabatas, o lumikha ng mga programa para sa tinatawag natin na tunay na edukasyon," ani Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM noong Lunes

Makabubuti lang aniya ito dahil hindi makikinabang sa good conduct time allowance (GCTA) ang mga mahahatulan ng hazing, sakaling ideklara itong "heinous crime."

Sa loob ng Republic Act 11053, o ang Anti-Hazing Act of 2018, mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng klase ng hazing at initiation rites, mapapisikal o sikolohikal.

Tingin din ni Del Prado na "hindi pa sapat" ang naturang batas at tanging masusing edukasyon lang ang kakailanganin para mawakasan ang kultura sa hazing sa mga institusyon.

Sakaling mamatay ang sumailalim sa initiation rites ay mahahatulan ng panghabambuhay na pagkakabilanggo at multa na P3 milyon ang mga mapapatunayang may sala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.