Government job fair ng CSC dinagsa ng libo-libong aplikante

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dinagsa ng libo-libong naghahanap ng trabaho ang government job fair ng Civil Service Commission - National Capital Region sa University of the Philippines - Diliman nitong Martes. 

Aabot sa halos 3,000 bakanteng trabaho ang maaaring aplayan ng mga aplikante. 

Kasama sa mga nakilahok ang gurong si Tonette Cuadra, na 9 taon nang nagtuturo sa pribadong paaralan. Pero nalaman niya na mas mataas ang magiging sahod niya kung lilipat siya sa pampublikong paaralan. 

"Nag-start ako ng fresh grad ako ng P10,000, so ngayon nalaman for teacher pala, Teacher I is 20,000 so sobrang laki nung difference," ani Cuadra. 

Marami rin sa mga aplikante ang fresh graduate, gaya ni Erneshir Aquino. 

"Sa private sector po kasi makikita po natin na ang kinakailangan lang po nilang mga aplikante ay yung may mga experience po," ani Aquino nang tanungin kung bakit siya sumalang sa Government Job Fair. 

Pero paalala nila, bagama't may mga posisyon sa gobyerno na hindi mahigpit sa job experience, kailangan pa rin nilang pumasa sa Civil Service Eligibility Exams. 

Mahigpit din daw ang pagsalang nila sa mga aplikante sa mga sensitibong ahensiya gaya ng BIR at Customs. 

"Kung isa ka na sa mga napupusuan, magbi-BI na o magbabackground investigation na si agency," pahayag ni CSC-NCR head Judith Dongallo - Chicano. 

Ayon sa CSC, pinakamarami ang job vacancy sa Department of Health, Bureau of Internal Revenue, at Bureau of Customs. 

Magkakaroon din ng Government Online Career Fair ang gobyerno.

Dito, maaaring gumawa ng account sa jobstreet.com ang aplikante at i-upload ang kaniyang personal data sheet na makukuha sa website ng CSC. 

Magtatagal ito mula Oktubre 21 hanggang 25. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.