Anak ng boksingerong si Navarette, pinatay ng riding-in-tandem

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 10:25 AM

Patay sa pamamaril ng riding-in-tandem ang anak ng dating world boxing champion na si Rolando Navarette sa Barangay Lagao, sa General Santos City, Lunes ng gabi.

Kuwento ni Montessa Yama, ang kinasama ng biktimang si Rolando Navarette II, bumili sila ng ulam sa kanto ng Aradaza Street, Carcon Village at pabalik na sa kanilang tinutuluyan nang pagbabarilin si Navarette ng mga salaring sakay ng motorsiklo.

Naisugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa mga tinamong tama nito sa ulo at dibdib.

Bigo namang mamukhaan ng ilang nakakita ang mga salarin.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media ang ama nitong boksingero.

Ayon sa pulisya, nasa drug watchlist ng General Santos City Police Office ang anak ni Navarette na dati ring drug surrenderer.

“We have monitored na he is still involved in the drug. He is also a target din pero unfortunately talagang hindi siya mahuli-huli. So hindi natin sinasantabi ‘yan and reports would still show that he is involved in illegal activity,” sabi ni Police Major Roland Pascual, hepe ng Police Station 6.

Depensa naman ng pamilya nito na matagal na siyang nagbagong-buhay.

Panawagan nila ngayon ay hustisya sa pagkamatay ng kanilang kaanak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.