900 kilo ng bangus na galing sa fish kill, nasabat

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 04:09 PM

Ide-deliver sana ng may-ari ang mga bangus sa isang buyer na magbebenta naman ng mga ito sa mga palengke sa Dagupan at Villasis sa Pangasinan.

DAGUPAN CITY, Pangasinan - Nasa 900 kilo ng bangus na galing sa fish kill ang nasabat ng Bantay Dagat at Dagupan City Police sa Bonuan Catacdang dito sa siyudad, Lunes ng gabi.
 
Nakalagay ang mga bangus sa isang jeep at garong. Galing umano ang isda sa isang fish cage sa isang barangay sa Sual, Pangasinan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasabat ang bangus sa sumbong ng isang residente. Ide-deliver daw sana ito ng may-ari ng bangus sa isang buyer sa Bonuan Catacdang at ibebenta sa palengke sa Dagupan at Villasis.

Pero walang maipakitang kaukulang dokumento ang may-ari at mga pahinante nito nang sitahin ng Bantay Dagat.

Siniguro naman ng Bantay Dagat inspection team na “fish kill” ang mga ito lalo’t mabaho na ang mga bangus, bilasa, at naninilaw na ang mga mata.

Nakasaad sa Fisheries Code of the Philippines at Dagupan City Ordinance No. 1763-2002 na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda ng patay na bangus. 

Ipinagbabawal din ang pagtitinda at pag-angkat ng mga isda na walang kaukulang dokumento na magpapatunay na dumaan ito sa inspeksiyon ng local agriculture office.

Kakasuhan ang may-ari ng mga bangus ng paglabag sa Fisheries Code at maaaring pagmultahin ng P2,500.

Tiniyak naman ng City Agriculture Office na mahigpit ang kanilang isinasagawang pagbabantay sa fish dealers na mula pa sa ibang bayan para masiguro na ligtas at malinis ang mga isdang ibebenta sa mga palengke sa Dagupan City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.