PDEA: Malayo pang tuluyang mawalis ang droga

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng positibong rating sa Social Weather Stations (SWS) survey noong nakaraang linggo, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na malayo pa sila sa kanilang target na tuluyang masugpo ang problema ng droga sa lahat ng barangay sa bansa. 

Sa 42,044 na mga barangay sa bansa, 23,584 o higit kalahati pa ang drug-affected o may problema pa rin sa ilegal na droga. 

Pero tumaas naman ang bilang ng mga drug-cleared barangays o iyong mga barangay kung saan naging matagumpay ang mga operasyon ng PDEA gaya ng pagpapasara ng mga drug laboratories.

Nasa 8,444 ang mga drug-cleared na barangay na ito ngayon, mula sa higit 5,000 lamang noong 2016.

"The target is to clean an average of 8,000 barangays in a year. Magagawa po natin 'yan lalo na kung tutulungan po tayo ng taumbayan," ani PDEA public information office director Derrick Carreon. 

Para kay Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde, patunay ang SWS survey na nagagawa ng pulisya ang kanilang trabaho sa kabila ng paratang na mga human rights violation at summary executions nang magsimula ang kampanya ng gobyerno kontra droga. 

“Nakita ng mga tao natin na less na kung meron man, less na 'yung mga violation or alleged violations na nangyayari on the ground,” aniya. 

Matatandaan na nagtamo ng net satisfaction rating na +65 ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga kung saan 78 porsiyento sa 1,200 na na-survey ang nagsasabing satisfied sila sa kampanya, nang magsagawa ng survey ang SWS nitong Hunyo. 

Dagdag ng PDEA na importante sa pagsugpo ng problema ng droga ang paglagay ng drug-clearing program at help desk sa mga barangay. 

Hinihikayat ng ahensiya ang publiko na mag-text o tumawag sa kanilang hotline kung mayroon silang impormasyon sa mga nagdodroga. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.