Mga taga-Itogon, pinalilikas bago pa ang bagyong Paeng

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 09:30 PM | Updated as of Sep 25 2018 12:27 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inutos ni Itogon Mayor Victorio Palangdan ang preemptive evacuation sa Barangay Ucab dahil sa paparating na bagyong Paeng, higit isang linggo matapos ang landslide sa naturang lugar na naglibing sa ilang dosenang katao. 

Kasunod ito ng abiso mula sa Department of Environment and Natural Resources na dapat palikasin ang mga residente. 

Ayon kasi sa Mines and Geosciences Bureau, maituturing na nasa "danger zone" ang Barangay Ucab kung saan maraming bitak-bitak sa lupa, na maaaring gumuho kapag malakas ang ulan. 

"May 'imminent danger' para sa mga residente -- ibig sabihin, kapag naulanan ang naturang cracks, maaaring gumuho ang lupa at mauwi ito sa panibagong landslide," ayon kay DENR spokesperson Benny Antiporda. 

Agad na nagsilikas ang ilan, tulad ni Mary Kimayong, na nakatira malapit sa landslide site.

"Natatakot, talagang may phobia na kami," aniya. 

Kasama rin dito si Ramona Tagapong, na ayaw nang makipagsapalaran dahil namatayan ng apat na kamag-anak sa landslide.

Maaaring magsagawa ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan kung mayroong magmamatigas umanong mga residente. 

"Kung puwede sana huwag na nilang hintayin 'yung force evacuation na ang mga kapulisan natin ang hihila sa kanila papunta sa evacuation center," ani Palangdan. 

Puspusang paghahanap na ang ginagawa ng search ang rescue team sa lugar ng landslide sa paghahanap ng mga natitira pang natabunan para hindi abutan ng bagyong Paeng.

"We are running against time, siyempre sa weather, kapag may weather disturbance dapat temporarily hinto muna namin kasi itong mismong kinatatayuan natin sabi ng MGB ay landslide-prone area ito," ani Brigade General Leopoldo Imbang Jr., na nangunguna sa search and retrieval sa lugar. 

Lumobo na sa 80 ang kumpirmadong patay habang 35 pa ang nawawala sa mga landslide sa Benguet dahil sa bagyong Ompong. 
Binalaan naman ang mga residente sa panibagong bagyong nakaamba. 

Limampu't tatlo rito ay mga bangkay na nakuha nitong Lunes sa Barangay Ucab, Itogon, kung saan may 15 katao pa ang nawawala.

Ayon kay Imbang, 200 metro pang lawak ng putik ang kailangang tanggalin para mahanap ang iba pang nawawalang residente. 

Ngayong araw, walong bangkay pa ang narekober, kaya umabot na sa 57 ang naitalang patay sa Ucab habang siyam pa ang hinahanap.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.