Lalaking nagnakaw sa isang lodging house, arestado

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 09:14 PM

BUTUAN CITY - Arestado ng kapulisan ng Butuan City Police Station 3 ang isang suspek sa pagnanakaw sa isang lodging house sa Butuan City, Biyernes ng gabi. 

Nakunan pa ng CCTV ang pagpasok ng lalaki sa lodging house Biyernes ng umaga.

Nakilala ang suspek na si Mark John Pelaricio na taga-Don Carlos, Bukidnon. 

Ayon sa may-ari ng lodging house, hindi lumabas ng kaniyang kuwarto ang suspek mula nang ito'y mag check-in. 

Lumabas ito Biyernes ng gabi at doon na nangyari ang pagnanakaw.

Madaling nakapasok ang suspek sa puwesto ng cashier at dahil walang bantay, nakuha ng suspek ang P3,000 pera sa kaha. 

Agad itong bumaba at umalis ng lodging house.

Linggo ng hapon nang maaresto ang suspek at marekober sa kaniya ang mahigit sa P15,000 at isang cellphone.

"Tinanong namin kung saan siya kumuha ng pera. Based on his revelation, siya nga mismo ang nagsabi na siya ang kumuha ng pera na P3,000 doon," ani Chief Insp. Renato Badajos, Station Commander ng Butuan City Police Station 3.

Modus na rin umano ito ng suspek. Siya rin ang itinuturong suspek sa pagnanakaw sa isang lodging house sa Cagayan de Oro City.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang suspek matapos masampahan ng kasong pagnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.