Buntis na dawit sa droga, 'pinagtutulak' ang menor de edad na anak

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 11:17 PM | Updated as of Sep 25 2018 12:04 AM

Kasama ang isang buntis, na ginagamit umanong runner ng shabu ang sariling anak, sa tatlong arestado sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa Meycauayan, Bulacan sa katatapos lang na linggo. 

Arestado noong Sabado ang sepulturerong si Pedro Dela Cruz nang magbenta siya ng droga sa isang nagpapanggap na buyer sa Barangay Poblacion, Meycauayan. 

Nakuha sa kaniya ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu.

Timbog rin ang kapwa sepulturero ni Dela Cruz na si Rene Marabi, alyas Iboy. 

Ang dalawa ang itinuturong pinanggagalingan ng shabu ng mga tricycle driver sa lugar. 

Sapul naman sa surveillance video ang pitong buwang buntis na ginagamit daw ang menor de edad na anak bilang runner ng shabu. 

"Sa kanya po pumupunta ang mga tao gawa nga na kilalang anak ko po siya," paliwanag nito. 

Ayon sa mga pulis, dadalhin ang buntis na suspek sa ospital kapag nagkataong manganganak na ito. Dadalhin naman sa Department of Social Welfare and Development ang bata. 

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.