Binatilyo, nalunod sa ilog sa Baguio City

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 10:44 PM

BAGUIO CITY - Wala nang buhay nang makita ni Princess Balasi ang 13-anyos na anak Sabado ng umaga. 

Biyernes nang gabi nang mawala ang anak niyang si Maverick.

“Walang wala kaming lahat tapos ganito pa,” ani Princess, ina ng biktima.

Huli umano itong nakita kasama ang kaniyang 8 kaibigan na naligo sa isang ilog sa Kilometer 5, Asin Road, Baguio City. Kasagsagan umano noon ng pag-uulan.

“Naliligo po sila tapos biglang dumating yung malakas na tubig tapos naanod po siya,” kwento ni John Michael Dawal, isang residente.

Sabado ng umaga, natagpuan na itong walang buhay at nakaipit sa mga bato sa nasabing ilog.

Labis ang paghihinagpis ng kaniyang ina lalo pa't pangarap sana ng kaniyang anak na makapagtapos ng pag-aaral at makapagpatayo ng bahay para hindi na sila muling tumira kung saan-saan.

Paalala ng mga otoridad, huwag nang pahintulutang lumabas ng bahay ang mga anak lalo na kung umuulan ng malakas.

Ayon sa mga residente, matagal na nilang ipinagbabawal ang pagligo sa nasabing ilog lalo pa't dito umano bumabagsak ang tubig mula sa iba pang bahagi ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.