Bilang ng patay sa Cebu landslide, higit 50 na

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 10:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umakyat na sa 53 ang natagpuang bangkay habang 45 pa ang pinaghahanap sa tuloy-tuloy na search and rescue operations sa nangyaring landslide sa Naga City, Cebu, ayon sa huling tala ng Cebu disaster office. 

Kabilang sa nasawi ang isang 12 anyos na lalaki, na ipagdidiwang dapat ang kaniyang kaarawan sa Martes. 

Nananatiling suspendido ang klase sa mga paaralang ginagamit bilang evacuation center ng mga lumikas mula sa lugar. 

Samantala, nagtamo ng diarrhea ang 11 evacuee sa ilang evacuation center ng Cebu kasunod ng umano’y pagkakontamina ng E. coli virus ng tubig sa evacuation center kaya nakaantabay ang Department of Health para tumulong. 

Idinaan naman ng choir mula sa Barangay Naalad sa pagkanta ang kanilang dasal. 

Lahat ng miyembro ng kanilang grupo ang apektado ng landslide, kabilang si Kareen, na nagdadalamhati sa pagkamatay ng kaniyang kapatid na sinubukang bumalik sa ground zero para iligtas ang kaniyang kasintahan. 

“Masakit, ang hirap. Hindi pa rin ako makapaniwala kung anong nangyari sa amin, pero kakayanin namin,” aniya. 

'QUARRYING SA NAGA, DAPAT PAIMBESTIGAHAN': TOLENTINO

Nanawagan si Tolentino na paimbestigahan ng alkalde ng Naga ang pagsasagawa ng quarrying sa lugar lalo na’t may kinalaman umano ang quarrying sa paglambot ng lupa sa landslide site. 

“(The) mayor should not have relied on MGB (Mines and Geosciences Bureau) assessment alone, I think it's also the call of the mayor to investigate,” aniya, na tumutukoy sa liham ng na nagdedeklarang ligtas ang Naga para sa quarrying. 

Inaalam naman ng Cemex Holdings Philippines (CHP) ang epekto ng suspensiyon ng cease and desist order sa raw materials mula sa naturang lugar. 

"CHP is now conducting an assessment on the effect of the cease and desist order or raw materials sourced from Naga City and consequently, on the production output of APO Cement," anila sa isang pahayag. 

Kasunod ito ng pansamantalang pagpapatigil ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu sa lahat ng mining at quarrying operation sa anim na rehiyon sa bansa, kabilang na ang Central Visayas.

Ang Apo Land and Quarry Corporation, na may mining rights sa lugar ang pangungahing nagsu-supply ng raw material sa paggawa ng semento.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.