Bagong uwi na OFW pinatay ng mister

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 07:59 AM

ISABELA, Negros Occidental - Patay ang isang kakauwi pa lang na overseas Filipino worker matapos saksakin ng asawa sa kanilang bahay sa bayan na ito, Linggo ng hapon.

Nitong Biyernes lang dumating ang biktimang si "Angel" galing sa Kuwait, ayon sa mga imbestigador.

Dati umanong sinasaktan ng mister si Angel kaya ito nagtrabaho sa ibang bansa. May alitan ang mag-asawa nang umuwi ang OFW kaya tumuloy muna siya sa bahay ng kaniyang mga magulang bago bumalik sa sariling tahanan nitong Linggo para bisitahin ang 2 anak.

Pero agad umanong sinampal ng mister si Angel nang makita ito. Nagkasagutan ang 2 hanggang sa saksakin ng lalaki ang biktima nang hindi bababa sa 3 beses, sabi ng pulisya.

Hinihinala anilang selos ang motibo ng suspek na nakatakas at pinaghahanap.

Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ang biktima at kaniyang mister sa artikulong ito para sa kapakanan ng kanilang mga anak

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.