Apat, kabilang ang 1 menor de edad, arestado sa buy-bust sa Batangas

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 09:15 PM

SAN JOSE, Batangas - Arestado ang apat na tao, kabilang ang isang menor de edad, sa isang buy-bust operation sa Barangay Calansayan sa bayang ito, Lunes ng umaga.

Nasakote ng mga pulis ang mga suspek. Ang isa sa kanila, positibong tinukoy bilang pinagkukunan umano ng suplay ng ilegal na droga ng isang suspek na nauna nang naaresto noong Sabado.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang mahigit 20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng higit P100,000.

Batay naman sa rekord ng Tanauan City police, dati nang nahuli ang mga suspek.

"Ito ay mga nahuli na rin noong mga dating panahon. Nakasuhan na rin ng violation ng section 5 ng Republic Act 9165 at patuloy pa rin sa pagtutulak," ani Police Chief Inspector Virgilio Jopia, hepe ng San Jose police.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang tatlong suspek habang nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad nilang kasama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.