3 hinihinalang 'tulak' ng shabu, arestado sa Tagum City

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 12:41 AM

TAGUM CITY - Arestado ang isang lalaki at dalawang babae sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Miguel sa lungsod na ito Sabado ng gabi.

Inaresto ng Tagum Police ang maglive-in partner na sina Reed Ryan Denila, 38 taong gulang, at Mary Shane Clarin, 25 taong gulang, kasama ang kanilang kaibigan na si Mae Rose De Leon matapos mahuli sa isinagawang buy-bust operation sa kanilang boarding house sa Purok 12.

Sa imbestigasyon ng Tagum Police, ginawa na 'di umanong drug den ng mga suspek ang kanilang boarding house kung saan na-recover ang 12 sachet ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng mahigit kumulang P100,000, mga drug paraphernalia, isang Uzi submachine gun at siyam na bala.

Kilalang mga tulak umano ng ilegal na droga ang mga suspek na nag-ooperate sa Sto. Tomas, Davao del Norte at lumipat sa Tagum City.

“Iyong boarding house na kasi na 'yon dalawang beses ng na-operatan. Doon na transaksyon nila, mga user nila doon na rin gumagamit. Napansin ng owner na maraming pumupunta doon na iba-iba ang mukha kaya nagtaka na sila. Notado na 'yan sila, ang isang babae under probation, nakakulong for 8 months itong taon na to,” ayon kay Police Superintendent Philip Jefferson Ayban, ang officer-in-charge ng Tagum Police Station.

Ayon sa Tagum Police, naging source nila ng shabu ang ni-raid na drug den noong nakaraang linggo sa Bakuring Madaum at San Isidro Tagum City.

Itinanggi naman ni De Leon na sangkot sila sa pagbebenta ng ilegal na droga.

“Wala maam oi, namalit lang mig sud-an kalit lang mi gidakop,” ayon kay Mae Rose De Leon.

(Wala maam, namili lang kami ng ulam bigla lang kaming hinuli.)

“Dili na tinuod maam wala mi nagabaligya shabu dinha, walay nagaadto didto," ani Clarin.

(Hindi 'yan totoo, maam. Hindi kami nagbebenta ng shabu diyan, walang pumupunta doon.)

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.