Tricycle driver patay sa pamamaril sa Mandaluyong

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 02:06 AM

Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Julo, lungsod ng Mandaluyong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jade Manuel, 27.

Ayon sa mga kaanak, tumutulong magpaaral sa mga pinsan at masipag umano sa hanapbuhay si Manuel kaya hindi nila lubos maisip ang sinapit ng biktima. Giit nila, posibleng mistaken identity ang nangyari kay Manuel.

Bagamat may ordinansa ang Mandaluyong na bawal ang mag-angkas sa motorsiklo, ayon kay Bantay Bayan Oliver Reyes, posibleng nakalusot lamang ang mga salarin lalo't malapit din sa bahagi ng Makati ang pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa barangay, wala ring tala ng anumang kaso ang biktima at hindi rin sangkot sa droga.

Ayon sa isang testigo, tumakas patungong Makati ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Nagdulot ang insidente ng pagbibigat sa daloy ng trapiko partikular sa kalsadang malapit sa Makati-Mandaluyong bridge.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.