Lalaki, tinaga dahil sa agawan sa kanta sa videoke

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 09:28 PM

ILOCOS NORTE – Boluntaryong sumuko sa estasyon ng pulisya ng Piddig, Ilocos Norte ang 30 taong gulang na construction worker na si Jennifer Corpuz Sabado ng umaga. 

Si Corpuz ang suspek sa pananaga sa kanyang kapwa construction worker at kabarangay na si Jun Bartolome ng Barangay Cabaroan, Piddig, Ilocos Norte. 

Batay sa imbestigasyon, nasa isang inuman ang dalawa sa Barangay Cabaroan gabi nitong Biyernes nang mangyari ang insidente. 

Kwento ng biktima, nakikipag-usap siya sa isang kamag-anak nang bigla na lamang tinaga ni Corpuz ang likod nito. 

“Kine-claim ng biktima, kauupo lamang niya at nakikipag-usap sa certain Den Guillermo nang bigla siyang may naramdaman na masakit sa kanyang likod, kinapa niya ito, at nang lumingon siya, nakita niya itong suspek na si 'Dianong' na tumakbo hawak hawak ang isang itak," paliwanag ni SPO2 Carlos Juan, imbestigador ng Piddig Police Station.

Aminado naman ang suspek na tinaga niya si Bartolome. Nagawa lamang daw niya ito dahil sa inis at sakit ng loob na inagawan siya ng grupo ng biktima ng kakantahin sana niya sa videoke. 

“Nangyari ‘yun, minsan lang na kinanta ng isa sa mga kasama namin, hindi ako umimik. ‘Yung sumunod, doon na ako nainis, dalawang beses na nangyari. Inagaw nila, kinanta lamang ang napili kong kanta," sabi ng suspek. 

Nagtataka naman ang biktima kung bakit nagawa siyang tagain ng suspek. Wala naman daw siyang kasalanan o atraso sa kanya. Hindi rin umano niya inagawan ng kanta si Corpuz. 

Si Bartolome pa nga umano ang nagsabing kantahin na lamang ang mga napili niyang kanta sa videoke.

"Naglagay ng kanta para kantahin daw namin kasi baka hindi niya na raw mahintay. Kantahin mo na, sabi ng pinsan ko. 'Hindi na, kantahin niyo na lang,' sabi niya dahil nahihilo raw ito, hanggang sa nagpaalam sa akin nauuwi na siya. Mabilis lang kasi malapit lang ang bahay nila. Mga 15 minutes lang siguro, bumalik siya, at doon, tinaga na lang ako," ani Bartolome. 

Hindi raw mapapatawad ni Bartolome si Corpuz na kanyang sasampahan ng kaso. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.