PatrolPH

Ilang lugar sa norte dumadaing dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2021 06:53 PM

Watch more on iWantTFC

Patuloy na dumadaing ang ilang lugar sa norte dahil sa pataas pa rin ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa kanila.

Kasama rito ang Benguet na isa sa mga itinuturing na "area of concern" ng OCTA Research Group dahil sa dami ng kanilang mga naitatalang kaso.

Sa pinakahuling datos, may 222 bagong nagka-COVID-19 sa Benguet.

Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, puno na ang mga temporary treatment at monitoring facilities sa probinsiya.

Gumagamit na rin ng tent bilang emergency room sa lalawigan at marami na ring health worker ang positibo sa sakit.

Ayon kay Diclas, naghihigpit na ang lalawigan kahit nasa ilalim pa rin sila ng general community quarantine.

"Nagche-check na sa border kaya 'yong pila ng mga saskayan, mahaba na," ani Diclas.

Pakiusap naman ni Benguet Vice Governor John Waguis na tigilan muna ang pagbiyahe sa Benguet.

"For our safety naman po. Mahirap po baka kayo ang mahawahan or kayo ang manghawa sa amin dito. Kung puwede, 'wag na muna 'yong travel natin," ani Waguis.

Sa Ilagan City, Isabela, balik-operasyon na ang new public market sa Barangay Baligatan matapos ang 4 na araw na localized lockdown dahil sa mga nagpositibong tauhan.

Inihayag naman ng Cauayan District Hospital na hindi muna sila tatanggap ng mga pasyente sa Oktubre 1 maliban kung extreme emergency case.

Kasalukuyang may 4,578 active COVID-19 cases sa Isabela province.

Dahil nananatiling mataas ang COVID-19 cases, pinalawig pa ang modified enhanced community quarantine sa Tuguegarao City hanggang katapusan ng Setyembre.

Base sa huling datos, 968 ang active COVID-19 cases sa Tuguegarao.

Nakapagtala naman ang Batanes ng 46 bagong kaso ng COVID-19 ngayong Huwebes kaya umakyat sa 250 ang bilang ng active cases.

Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, ang mga naitatalang bilang doon ngayon ang pinakamalalang naranasan ng probinsiya.

Bagaman wala pang sample mula Batanes ang dumaan sa genome sequencing, hindi nawawala sa isip ng provincial government na baka Delta variant ang kumakalat.

Bukod sa gamot na tocilizumab, nakakaranas din ng kakulangan sa personal protective equipment (PPE) ang Batanes.

Dahil dito, nag-donate ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ng 100 set ng PPE sa Batanes General Hospital.

Bibigyan din ng CVMC ang Batanes General Hospital ng malaking tent at mga kama.

PAGBAGAL NG PAGKALAT

Sa kabila ng pataas na bilang sa norte, patuloy namang bumabagal ang pagkalat ng virus sa National Capital Region (NCR), Cavite, Laguna, Bulacan, Cebu City at Davao City.

Para kay Guido David ng OCTA Research Group, nagsisimula na ang recovery ng NCR mula sa mas nakahahawang Delta variant.

Nasa 4,674 ang average na bilang ng mga kaso sa NCR nitong nakaraang 7 araw. Inaasahang bababa pa ito sa 4,000 sa katapusan ng Setyembre at posibleng umabot pa nang 2,000 hanggang 3,000 pagsapit ng Oktubre.

Pero iginiit ng OCTA na mangyayari lamang ang tuloy-tuloy na pagbaba kung susunod ang lahat sa health protocol at magpapabakuna laban sa COVID-19.

— Ulat Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.