Mga commuter sa isang EDSA bus stop noong Agosto 4, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATE) — Puwede nang hindi gumamit ng face shield sa mga open area, sabi noong gabi ng Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa public address, sinabi ng pangulo na inaprubahan na niya ang rekomendasyong huwag magsuot ng face shields maliban sa mga lugar na nasa "3C category" o closed, crowded, at mayroong close contact.
"'Yan tatlo na 'yan, face shield is a must pa rin. 'Yun ang recommendation. Labas sa tatlong limitations, puwede na na hindi gumamit," ani Duterte.
Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG), magkakaroon ng bagong panuntunan kaugnay sa panibagong desisyon ng pamahalaan.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, maglalatag sila ng mas malinaw na guideline, lalo na sa pagtukoy sa mga crowded o matataong lugar at aktibidad para maiwasan ang kalituhan.
Kabilang aniya sa tutukuying crowded ang palengke, terminal, at pampublikong transportasyon.
"Ide-define natin 'yung mga lugar na considered crowded, halimbawa ang mga palengke. May mga palengke na open area pero considered crowded. We will be very specific kung ano itong crowded areas," ani Densing.
Ayon naman kay Joycelyn Clarino, head ng SM North EDSA sa Quezon City, required pa rin sa kanila ang pagsuot ng face shield kahit ang destinasyon ng kostumer ay al fresco dining area.
"Hihintayin po namin ang guidelines but while waiting, the use of face shields will continue," ani Clarino.
Sa Maynila, wala nang suot na face shield ang karamihan sa mga namimili sa isang kalye sa Divisoria at wala na ring naninita.
Aprubado naman sa isang grupo ng mga doktor ang pag-alis ng face shield sa open area.
Pero inirekomenda ni Philippine College of Physicians President Dr. Maricar Limpin na kung wala nang face shield ay magkaroon pa rin ng dagdag na proteksiyon.
"I would like to personally recommend na kung walang face shield, dapat gumamit tayo ng 2 face masks," ani Limpin.
Itinuturing namang magandang balita ng League of Cities of the Philippines ang bagong direktiba.
Ayon kay Calapan City Mayor Arnan Panaligan, secretary-general ng samahan, kampante silang maiiwasan ang paglaganap ng COVID-19 basta't magsusuot ng face mask at iiwasan ang mass gathering.
"Kapag naglalakad ka sa kalsada, ika'y nasa open space, nagja-jogging, hindi naman dapat magsuot n'yan. 'Yan ay happy compromise. Basta ang mahalaga, laging may face mask. 'Yun ang non-negotiable, ang face mask, sa panahong ito - tamang face mask at tamang pagsusuot. 'Yun lang talaga ang protection natin," ani Panaligan.
Pinag-aaralan na ng World Health Organization ang karanasan ng bansa sa paggamit ng face shield at kung nakatulong ba ito panlaban sa pandemya.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Kaugnay na balita:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.