SAN CARLOS CITY, Pangasinan - Patay ang isang 40 anyos na babae matapos siyang pagsasaksakin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Tarece sa lungsod na ito, nitong Martes ng madaling araw, ayon sa pulisya.
Ang suspek ay ang mismong 20 anyos na panganay na anak ng biktima, sabi ni Police Corporal Samuel Cayabyab, imbestigador sa San Carlos City Police.
Ayon pa kay Cayabyab, ang unang kuwento ng suspek ay nilooban sila sa kanilang bahay ng 3 lalaki at pinagsasaksak silang mag-ina.
Pero umamin din umano ang suspek sa pamilya nito na siya ang sumaksaksak sa biktima na isang guro.
"Noong kinausap siya ng tito niya sa loob ng ospital ay doon umamin ang suspek na siya ang may gawa. Inamin niya sa dalawang tito niya. Noong binalikan namin ang crime scene para tingnan ang mga ebidensiya, 'yung tito niya ang nag-reveal sa amin na ang may gawa ay ang anak," sabi ni Cayabyab.
Bago rin daw ang insidente ay narinig ng mga testigo na nagtalo ang mag-ina.
Ang pagseselos sa kanyang nag-iisang kapatid ang nakikitang motibo sa krimen.
Ang mag-ina ay parehong nagpositibo sa COVID-19 at matatapos na sana sa Biyernes ang kanilang home quarantine.
"Base sa imbestigasyon, 'yung lalaki ay nagseselos doon sa kapatid niya kasi parang nakikita niya na laging tama 'yung kapatid niya. Ang napapaboran ay 'yung kapatid niya. Then sumabay din 'yung depression niya dahil sa COVID-19," sabi ni Cayabyab.
Nasampahan na ng reklamong parricide ang suspek na nasa ospital ngayon dahil sa mga tinamong sugat sa iba't-ibang bahagi ng katawan, na maaaring nakuha niya nang manlaban sa kaniya ang biktima, ayon kay Cayabyab.
-- Ulat ni Grace Alba
BALIKAN
EMBED IVS
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.