MAYNILA - Matumal ang bentahan sa ilang pamilihan ng Christmas decors sa Metro Manila, kahit pa man inaasahan na ngayong Setyembre ang dagsa ng mga taong mamimili ng palamuti para sa Disyembre, ayon sa ilang nagbebenta.
Ayon sa tinderang si Jackelyn Gumban, hindi siksikan sa kanilang pamilihan kung ikukumpara ngayong taon.
Kinailangan pa raw nilang magtaas ng presyo dahil nagtaas-presyo ang kanilang supplier, dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
"Kumpara last year, sabihin na natin talagang siksikan, hindi mahulugan ng pinggan. Pero this year mga 20 percent lang ng tao [compared] last year ang pumupunta ngayon gawa ng social distancing at saka takot lumabas," ani Gumban.
May mga nagpuntahan naman, gaya ni Ernesto Lata, na galing Dasmariñas, Cavite at namili sa Dapitan ng mga palamuti na ilalagay sa kanilang bahay.
Giit ni Lata na sa kabila ng pandemya dapat pa rin matuloy ang selebrasyon ng tunay na diwa ng Pasko.
"Dumayo pa kami dito galing kami ng Cavite para makita namin kung gaano kaganda, talagang maganda, maraming mabibili, kung baga ay may mapagpipilian ka," ani Lata.
Kasama rin sa mga namili si Elenita Hamison na taga-Bulacan. Taon-taong siyang namimili ng pang-dekorasyon sa Dapitan.
Pero aminado siyang naninibago siya dahil mas kakaunti ngayon ang mga tao.
"Parang kakaunti ang tao [ngayon.] Dati ang dami dito, ngayon kaunti lang, hindi masyado," ani Hamison.
Dumagsa man ang mga tao, hindi na raw ito kasingdami ng mga nakaraang taon, ayon sa isa sa mga unang gumagawa ng parol na si Sato Laxa, sa Valencia Street sa Quezon City.
Banggit ni Laxa, mula nang tumuntong ang Setyembre nag-umpisa nang mamili ang mga tao pero hindi ito kasing dami ng mga bumibili noong wala pang pandemya.
"Malaki ang tinumal dati marami ang umoorder ng maramihan, kahit mga mall, nakaka-order sa amin, kahit mga taga-ibang bansa. Wala hindi kami makabenta, malaki ang nawala,” ani Laxa.
— Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Christmas decorations, Metro Manila, Christmas decorations sales, pandemic, Pasko, Dapitan