NBI nagbabala laban sa mga job offer online na may 'subscription fee,' networking

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2020 05:51 PM | Updated as of Sep 23 2020 11:48 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA— Pinag-iingat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang publiko sa mga laganap na job offers online na pinagkikitaan ang mga taong naghahanap ng agarang trabaho sa gitna ng pandemya.

“Kapag makakita ng job offerings online i-verify muna kung may kompanya bang nire-represent, i-check nila kung registered ba 'yung kompanya sa Securities and Exchange Commission. Mayroon na bang testimonials na nag-succeed sila o natanggap sa ganung trabaho,” pahayag ni NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo.

Ito’y matapos na idulog sa programang Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo ni alyas “Mimay” ang kaniyang naging problema sa sinubukang work-from-home tutorial sa isang online platform.

“Lahat kami nag-training hanggang ngayon wala pa kaming trabaho, simula po nung June hanggang ngayon wala pa kaming work,” sabi ni Mimay.

Buwan nang Hunyo siya sumubok matapos maengganyo sa alok na P300-P500 kada oras na bayad sa pagtuturo online at ang dagdag kita kapag nakapag-recruit pa ng iba.

“Natuwa ako kasi marami sa amin walang laptop, walang ganung gadget kaya naengganyo akong sumali since wala kaming trabaho dahil lockdown. 'Pag sumali doon magbabayad kami ng subscription fee na P1,299,” sabi ni Mimay.

Nag-post din siya sa kaniyang Facebook page para sa ibang gustong sumali.

“Aside from online teaching, kapag nag-refer kami ng tao kikita pa kami ng extra. Maraming bagay na nasabi sa amin na naengganyo ako,” sabi niya.

Ginawa rin umano siyang team leader dahil nakita ang potential niya na makapag-recruit. Sa kabuuan, nakapag-recruit siya ng 110 katao na karamihan ay kasamahan niya bilang musician.

“Maraming nagrereklamo. Ilang batches na nakapag training tapos ‘di nag-uumpisa 'yung trabaho. Kine-claim nila na may mga nakakapagturo pero honestly wala pong nakakapagturo sa amin,” sabi ni Mimay.

Kapag magtatanong umano sila kung puwedeng ibalik na lang ang kanilang pera ay babantaan silang aalisin sa group chat kaya’t nanghingi na sila ng tulong.

“'Yung mga recruits ko naga-ask na rin sila ng refund. Gumagawa kami ng steps, kinakalampag kahit papaano namin sa mga group chat namin na irefund na lang ang pera,” sabi niya.

Hinikayat naman si Mimay ni Lorenzo na magsampa ng pormal na reklamo sa NBI nang agad na maaksiyunan ang kanilang complaint.

“Ako, ang stand ko magkaroon ng refund at kung ano man ang makita nating ilegal na ginagawa nila ay matigil na po ito para hindi na makapanloko ng ibang tao kung ilegal man sila. Willling po ako mag-file ng complaint at marami po kami,” sabi ni Mimay.

Para kay Lorenzo, malinaw umano na scam ang alok na trabaho dahil hindi naman naging totoo ang ipinangako nila sa mga tao.