Halos P400,000 halaga ng 'shabu' nasabat sa magkakahiwalay na drug ops sa Parañaque, Makati

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2020 01:58 PM

MAYNILA— Arestado ang anim na drug suspect sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Parañaque at Makati nitong Martes.

Sa kabuuan, aabot sa halos P400,000 hinihinalang droga ang nakuha sa mga suspek, ayon sa ulat ng Southern Police District.

Unang naaresto ang dalawang suspek sa Barangay San Dionisio sa Parañaque.

Narekober sa kanila ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P180,000.

Arestado rin sa parehong barangay ang dalawa pang suspek na nakuhanan naman ng P17,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Sa Makati, dalawang suspek ang inaresto matapos maaktuhang gumagamit ng droga sa Barangay Guadalupe Viejo.

Nakuha sa kanila ang mahigit P170,000 hinihinalang shabu.

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.