Empleyado sa Iwahig Prison and Penal Farm, nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2020 11:02 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Kinumpirma ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa nitong Miyerkoles na may isa silang empleyado na nagpositibo sa COVID-19. 

“Meron tayong isang empleyada na nag-positive sa COVID. Ang empleyadang ito ay naka-maternity leave nung siya po ay nag-positive so hindi po siya nasa actual duty,” pahayag ni Corrections Supt. Raul Levita.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Levita na nakatira sa loob ng reservation ang naturang empleyado pero malayo ang mga bahay ng mga kawani sa mismong mga prison compound.

Itinanggi din ni Levita ang balitang nagkakasakit na ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa mga sub-colony ng Iwahig.

Ito’y matapos na humingi ng tulong sa programang Kabayan sa TeleRadyo ang isa sa kaanak ng mga PDL sa Inagawan Sub-Colony matapos mabalitaang may nagpositibong empleyado.

Ayon kay “Angel”, nabalitaan nilang mayroon dalawang PDL ang naka-isolate na ngayon at maging ang kaniyang kamag-anak na PDL ay nilalagnat na rin umano.

“Sana magawan ng tulong ng gobyerno natin kasi kawawa naman mga tao doon,” sabi ni Angel.

Sinabi naman ni Levita na simula nang mag enhanced community lockdown ay naghigpit na rin sila sa loob ng penal farm.

“Wala pong mga dalaw. Ang movement ng mga empleyado, limitado. Nakakalabas lang po kami isang beses isang linggo upang mamili ng mga kakainin namin,” sabi ni Levita. 

Hinikayat naman niya ang mga kamag-anak ng mga PDL na gamitin ang kanilang bagong proyektong inilunsad na libreng tawag.

“Maayos po ang mga PDL natin. Kami pong mga empleyado limitado ang labas. Kung walang quarantine pass, ‘di pwedeng lumabas ng reservation,” sabi niya.