MAYNILA - Kalahating taon nang nakatengga sa bakanteng lote sa may Regalado Avenue, Quezon City ang hindi bababa sa 15 tsuper na nakatira na sa jeep at namamalimos na lang sa kalsada.
Sila ang mga tsuper na may biyaheng Lagro-Quiapo at Fairview-Dahlia.
Marami sa kanila ang nagsasabing bagaman gusto nilang humanap ng iba pang mapagkakakitaan, wala silang perang pang-puhunan habang ang iba ay hindi na kayang sumabak sa ibang trabaho dahil may edad na rin sila.
Isa dito ang 60 anyos na si Carlos Visto, biyudo at may 6 na anak.
"Hirap ang buhay di ko malaman saan ako kukuha ng pagkain, anim po kami ng mga anak ko patay na asawa ko ako nalang bumubuhay sa kanila. Hinihiling namin na sana ay payagan na kami makabiyahe. Di bale nang wala kaming matanggap na ayuda basta makabalik na kami sa paghahanap-buhay," ani Visto.
Ilang linggo nang balik-pasada ang mga tsuper na nagteterminal sa Litex, Commonwealth.
Ayon sa kanila, wala pa sa kalahati ng dati nila kita ang nakukuha nila ngayon dahil hindi gaanon karami ang mga bumabiyahe sa kanilang ruta.
Gayunpaman malaking pasalamat nila na makabalik-pasada.
"Mahina kita ngayon P400-P500 kada araw kita, di bale nang mahina basta may kita at may pambili ng bigas at pagkain," ani Reynaldo Maliksi, isa sa mga tsuper.
Ayon naman sa LTFRB, umabot na sa 206 ang ruta ng mga tradisyunal na jeep na binuksan nila sa Metro Manila, katumbas ito ng 17,372 units.
Maaalalang natengga sa pagbabiyahe ang mga jeep nang magpatupad ang gobyerno ng lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ngayong isinailalim na sa mas maluwag na quarantine protocols ang Metro Manila, pautay-utay ang pagpayag ng LTFRB sa pagbabiyahe ng mga jeep.
— Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Fairview, Regalado Avenue, Quezon City, jeeps, jeepney,