11 stranded Pinoy seafarers umaasang makauwi matapos makadaong ang barko sa China

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2020 12:39 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA— Nakadaong na sa port sa China ang barkong sakay ang 11 Filipino crew na mahigit isang taong stranded matapos abutan na rin ng COVID-19 pandemic.

“Masayang-masaya po at nakatabi na po ng isla, nag-aantay na lang po kami kung ano ang update sa amin ng Philippine Consulate po,” ayon kay Anthony Medina, tumatayong tagapagsalita ng grupo.

Pero patuloy silang nangangamba dahil baka pansamantala lamang ang pagdaong ng barko at muling ibalik ito sa laot.

“Nangangamba rin po kami dito. Tingin namin ‘di rin magtatagal 'yung barko rito. Baka mag-karga lang itong barko or ilang days lang dito tapos pumalaot na naman, tumengga na naman kami sa laot,” dagdag ng isa sa mga kasamahan ni Medina.

Sakay ng Ocean Star 86 na nakadaong sa Dongshan, Zhangzhou City sa Fujian Province ang 11 Pinoy crew. 

May halos isang taon at siyam na buwan na silang stranded makaraang matapos ang kanilang kontrata.

Ayon kay Medina, ipinagbigay-alam nila kaagad sa Philippine Consulate sa Xiamen na nakatabi na ang kanilang barko sa port.

“Ipinaalam ko na kami po ay tumabi na sa port, 'yun po ang sabi n’yo na pag dumating kami sa port tumawag kaagad para makaresponde kayo kung ano po dapat gawin. Sagot lang po sa akin congratulations, ano ba problema ba’t napatawag kayo,” kuwento ni Medina sa isang video call sa Teleradyo. 

Nauna na ring sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tumatanggi umano ang Chinese government na dumaong ang barko dahil sa pandemya kaya nahihirapan silang mai-repatriate ang Pinoy crew.