Van nadaganan ng truck sa Quezon; 3 patay

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 09:51 PM | Updated as of Sep 24 2019 04:30 AM

LOPEZ, Quezon (UPDATE)—Tatlo ang patay at isa ang sugatan matapos madagdanan ng isang 10-wheeler truck ang isang pampasaherong van sa barangay Danlagan sa bayan ng Lopez, Quezon Lunes ng hapon.

Kabilang sa nasawi ang drayber ng van, isang babae at anak nitong 5 anyos na batang babae. 

Nakaligtas ang ama ng bata na nakaupo sa tabi ng drayber. Nakalabas na ito sa Magsaysay Memorial District Hospital matapos gamutin ang mga sugat sa katawan.

Kuwento nito, kumuha sila ng mga seedling sa Talisay, Batangas at inihatid sa umorder nito sa Atimonan at Gumaca.

Papunta na sana sila ng Daet, Camarines Norte para ihatid ang natitirang seedlings nang madaganan ng trak na puno ng saging.

Mabilis umano ang takbo ng trak sa paahon at kurbadang bahagi ng daan kaya kinain ang linya ng umiwas at tumigil munang van.

Pero nawalan na raw ng balanse ang trak, umangat ang mga gulong nito sa kanan at saka tumagilid pakaliwa kung nasaan nakatigil ang van.

Buong katawan ng trak ang dumagan sa van.

Kinuha na ng pamilya sa Gumaca ang labi ng namatay na drayber ng van habang nasa ospital pa ang labi ng mag-inang nasawi na nakatakdang iuwi ng kaanak sa Jose Panganiban, Camarines Norte.

Agad namang sumuko ang drayber ng trak at ipinasailalim na sa drug test ng pulisya sa Quezon Police Provincial Crime Laboratory sa Lucena City.

Ayon kay Police Cpl. Rafael Pintano, investigator on case ng Lopez police, human error ang dahilan ng aksidente.

Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties ang drayber ng trak.

May dumating ng reinforcement truck sa lugar ng aksidente para hakutin ang nagkalat na saging sa tabing kalsada.—Ulat nina Dennis Datu at Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.