5 holdaper umano, patay sa engkuwentro sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 11:23 PM | Updated as of Sep 24 2019 06:38 AM

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

MAYNILA (2nd UPDATE)—Patay ang 5 hinihinalang miyembro ng robbery-holdup group sa engkuwentro laban mga pulis sa Macapagal Boulevard, Parañaque City nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, miyembro umano ng Candelario robbery-holdup group ang mga suspek.

Ikinasa ang operasyon sa Barangay Tambo malapit sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) alas-9:15 ng gabi.

Kuwento ni Police Col. Robin King Sarmiento, hepe ng Parañaque City police, una nang nahuli ang 2 miyembro ng grupo dahil umano sa ilegal na pagbibitbit ng baril.

Gamit ang cellphone ng mga naaresto, nakausap ng mga pulis ang ibang kasamahan nila na magsasagawa pa umano ng krimen ngayong gabi.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakipagtagpo ang mga suspek sakay ng van at kotse pero nakaramdam umano na pulis ang kanilang katagpo na nagresulta sa engkuwentro.

"Nung nag-meet nga dito, binaba sila ng isang van. Nung mahalata nilang pulis ang ka-text, nagkabarilan," ani Sarmiento.

Patay ang 3 hindi pa kilalang lalaking galing sa van habang nabaril din ang 2 unang naaresto.

Nakatakas naman ang drayber ng van na kinilalang si alyas Layco.

Narekober sa crime scene ang 5 baril, isang kotse at ilang kagamitan ng mga suspek.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.