3 miyembro ng 'dugo-dugo' gang na nambibiktima ng mga seaman, OFW timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 03:28 PM | Updated as of Sep 23 2019 07:22 PM

Watch more in iWantTFC

Naaresto ng mga awtoridad ang 3 umanong miyembro ng "dugo-dugo" gang na nambibiktima ng mga seaman at overseas Filipino worker (OFW), sabi ngayong Lunes ng pulisya.

Target ng mga suspek na mambiktima ng mga nangingibang bansa at kaanak ng mga ito dahil hindi raw madali para sa mga ito na magberipika ng impormasyon, ayon kay Police Maj. Bryan Andulan, hepe ng operations unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa National Capital Region.

"Target nila, OFWs o seaman working abroad, dugo-dugo," ani Andulan.

"Since they are working abroad, hindi nila agad mache-check o mava-validate kung 'yon ay totoo talagang tao," dagdag ni Andulan.

Dinampot sa entrapment operation ng CIDG noong Sabado ang mga suspek matapos tanggapin ng mga ito ang P30,000 boodle money mula sa biktima.

Ayon sa biktimang si alyas "Emma," unang nakipag-chat sa kaniyang asawang seaman na nasa barko ngayon ang kaibigan ng mister na isa ring seaman.

Umutang raw sa mister ni "Emma" ng P30,000 ang ka-chat dahil naaksidente raw ang anak nito. May ipinadala pa raw na retrato ng anak sa intensive care unit (ICU).

Pero nang makausap ni "Emma" ang totoong kaibigan ng asawa, pinabulaanan nitong humingi ng pera sa kaniyang mister at sinabing na-hack daw ang kaniyang Facebook.

Sa parehong modus din nabiktima ang asawa ni alyas "May."

Nakatanggap daw si "May" ng tawag mula sa kaniyang asawa na nasa barko para hulugan ng pera sa bangko ang kanilang kumpare na isa ring seaman dahil nasa ICU ang anak nito.

Lumutang din sa mga awtoridad ang isang Joseph Braga at inireklamo ang pangha-hack ng mga miyembro ng sindikato sa kaniyang Facebook account para magamit sa modus.

Sinampahan ng syndicated estafa ang mga suspek habang hinahanap pa ang iba pang mga kasama sa sindikato.-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.