2 PMA cadets naospital dahil sa hinihinalang hazing: militar

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 05:01 PM | Updated as of Sep 23 2019 07:17 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Kasunod ng pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) cadet Darwin Dormitorio, 2 kadete pa ng PMA ang nasa ospital ngayon dahil sa hinihinalang hazing.

Dalawang 4th class cadets o freshmen ang isinugod sa Armed Forces of the Philippines Medical Center sa Quezon City noong Martes at Sabado, ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo.

Pananakit ng sikmura ang idinaing ng 2 plebo, na patuloy na nagpapagaling sa ospital, ani Arevalo.

"Hindi naman natin puwedeng sabihin na there could be more but ayaw din nating sabihing wala na," ani Arevalo.

"Ang pinakaimportante rito 'yong sinasabi nating firm commitment ng ating AFP at Defense department leadership upang siguruhing ito ay matapos na," dagdag ni Arevalo.

Iniimbestigahan ng AFP kung konektado ang mga insidente sa pagkakapatay kay Dormitorio, ang 20 anyos na 4th class cadet na pumanaw noong Miyerkoles dahil sa blunt force trauma na tinamo umano sa hazing.

Inutos naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipa-check lahat ng plebo sa PMA.

"'Yong may mga pasa diyan, tanungin kung sino gumawa para ma-identify natin... and then we are going to deal with them to the full extent of the law," ani Lorenzana.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng PMA at ng Baguio City police na sinibak na nila sa puwesto ang mga opisyal ng PMA na may direktang responsibilidad sa nangyari kay Dormitorio.

May natukoy na ang mga awtoridad na 3 suspek, 2 person of interest, at 9 testigo — na pawang mga kadete — kaugnay ng hazing kay Dormitorio.

Handa ang PMA na magsampa ng mga kasong administratibo at kriminal sa mga sangkot sa pagpatay kay Dormitorio, ayon sa tagapagsalita ng paaralan.

Iimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation ang pagkamatay ni Dormitorio.

Inamin naman ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde na maging siya ay hindi nakaligtas sa hazing noong siya ay kadete pa lang sa PMA.

"'Yong hazing is a matter of personal perception on how you will accept it as a person and as a cadet," ani Albayalde.

Pero iginiit ni Albayalde na hindi ito kultura ng PMA.

Dapat nang ituring na heinous crime ang hazing, ani Albayalde, dahil kapag namatay ang biktima ay pasok ito sa murder. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.