2 patay sa pagguho ng ginigibang hotel sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 05:03 PM | Updated as of Sep 23 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Dalawa ang kumpirmadong patay matapos gumuho ang bahagi ng isang hotel sa Maynila ngayong umaga ng Lunes.

Nasa 22 tao ang nagtatrabaho sa loob ng Sogo hotel sa Mabini Street, Malate nang gumuho ang bahagi nito bandang alas-9:30 ng umaga.

Kinilala ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga namatay bilang sina Jerome Fabello at Melo Ison.

Isang manggagawa naman ang isinugod sa Philippine General Hospital kasunod ng insidente, ani Moreno.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakikipag-ugnayan na ang mga tauhan ng pamahalaang lokal sa pamunuan ng Sogo para malaman ang pangyayari. 

Inaalam na ang pananagutan ng pamunuan ng hotel sa insidente at kung may paglabag sa safety protocol ang contractor ng demolisyon.

"Liability will come later. I will task the city engineering to find out if there's fault...Until may makita kaming pagkukulang sa part ng Sogo marahil or sa contractor ng demolition marahil," ani Moreno.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng Sogo hotel na higit isang taon nang nakasara ang sangay sa Malate at nasa proseso na ng demolisyon nitong nakaraang 2 buwan.

Ayon pa kay Sogo Hotel chief executive officer Augusto Corpus, nakausap na nila ang demolition contractor at tiniyak sa kanilang aayusin ang mga nasugatan sa insidente.

Mayroong business permit ang hotel hanggang Disyembre 31, 2019, ayon sa Manila Public Information Office.

Pansamantala namang ipinatigil ang operasyon ng katabing hotel habang isinara ang kalsada sa mga motorista. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.