Sasakyan wasak nang kaladkarin ng tren ng PNR

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 09:17 PM | Updated as of Sep 24 2018 12:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA -- (UPDATED) Nawasak ang isang Asian utility vehicle matapos kaladkarin ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa bahagi ng Sta. Mesa, Linggo ng gabi.

Ayon kay SPO3 Roy Magsino, tinangkang tumawid ng sasakyan sa riles habang paparating ang tren na biyaheng Tutuban.

Sugatan sa insidente si Efren Castro, 67-anyos na drayber ng AUV.

Kuwento ni Castro, papasok siya sa Polytechnic University of the Philippines nang mangyari ang insidente.

Wala aniyang busina ang tren at ilang buwan nang hindi gumagana ang barrier ng PNR. Mabagal rin umano ang pagpapatakbo niya ng sasakyan dahil sa bako-bako ang kalsada.

"Saka siya bumusina eh nakaikot na 'yung sasakyan ko," ani Castro.

Araw-araw umano siyang dumadaan dito, at wala rin ang mga tauhan ng PNR na sumesenyas kung paparating na ang tren.

Inabot ng halos 30 minuto bago nakababa ang nasa 500 pasahero ng tren na malapit na sana sa Sta. Mesa station.

Ipinaliwanag naman ng pamunuan ng PNR na nasira ang barrier sa Teresa Street nang mabangga ito. Hinihintay pa itong mapalitan.

Pero iginiit nilang may iba namang mga babala gaya ng buzzer, strobe light, at mismong pagbusina ng tren.

Tumagal ng mahigit 2 oras na nakatigil ang tren sa pinangyarihan ng insidente. Bandang alas-9:18 ng gabi nang nahatak ang tren papunta sa kalapit na terminal para mabuksan sa traffic ang tawiran sa Teresa Street.

Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.