Nabiktima ng 'food poisoning' sa Muntinlupa, umabot sa 107

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 09:44 AM

MANILA - Umabot sa 107 ang nabiktima umano ng food poisoning matapos dumalo sa isang feeding program sa Muntinlupa City noong Sabado. 

Dagsa sa ospital kagabi ang mga residente ng NHA, Southville 3, Brgy. Poblacion na dumadaing ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.

Ayon kay Vidalyn Dugong, umaga nang kumain ang kanyang 3 anak ng isang putahe ng karne at itlog mula sa feeding program. Wala umano silang napansing kakaiba sa inihain. Pero bandang hapon, nakaramdam na sila ng mga sintomas ng food poisoning.

Agad isinailalim sa rehydration ang 107 pasyente.

Nakakuha naman ang City Health Office ng food sample na inihain sa feeding program para makumpirma kung ito ang sanhi ng food poisoning.

Nakipag-ugnayan na raw sa kanila ang paaralang nagsagawa ng feeding program at handa rin itong tumulong sa gastos sa pagpapagamot.

Kagabi, 47 pasyente ang agad na-discharge at naabutan ng libreng gamot. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.