Mga naninirahan malapit sa isasarang tulay sa Makati, takot mapaalis

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 07:41 PM | Updated as of Feb 17 2020 12:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinangangambahan ng mahigit-kumulang 200 informal settler na naninirahan sa gilid at likod ng Estrella-Pantaleon Bridge na mapaalis sila kasunod ng pagpapasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa tulay mula nitong Linggo, Setyembre 23. 

Kasama rito si Luz Testimio, na 30 taon nang naninirahan sa may tulay, na kumokonekta sa Mandaluyong at Makati. 

"Nabigla kami kasi hindi namin nabalitaan nang mas maaga," aniya. 

Nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa pagtatanggal sa kanila sa lugar pero wala pang nakatakdang petsa para dito. 

Dadagdagan ng dalawa pang lane ang tulay para mapagaan ang trapiko at mahigit 30 buwan o dalawa at kalahating taon naman ang itatagal ng proyekto. 

Bahagi ang proyekto ng P5.27 bilyong halaga ng Chinese grant at panangungunahan ito ng Department of Public Works and Highways, at China Road and Bridge Corporation. 

Sa pag-aaral naman ng Japan International Cooperation Agency (JICA), aabot sa P5.4 bilyon ang malulugi sa bansa araw-araw pagdating ng 2035 kung hindi aagapan ang problema sa traffic, kaya naman itinulak ng gobyerno ang pagsagawa ng nasabing proyekto.

Kasama sa grant ang pagsasagawa ng iba pang tulay gaya ng Binondo bridge. Nakatakda ring ayusin sa 2019 ang EDSA Guadalupe Bridge. 

Pinayuhan ng mga awtoridad na dumaan muna sa EDSA Guadalupe o Makati-Mandaluyong bridge and mga apektadong motorista. 

Ayon sa datos ng MMDA, higit 100,000 na sasakyan ang dumadaan araw-araw sa nasabing tulay. 

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.