Kuwento ni Enrile tungkol sa EDSA people power, pinalagan

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 10:27 PM | Updated as of Feb 17 2020 11:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumalag ang ilang biktima ng batas militar sa mga paratang ni Senador Juan Ponce Enrile na hindi siya umano parte ng pagkalas sa kampo ni dating Pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos sa EDSA People Power 1. 

Ito ay kasunod ng ikalawang parte ng one-on-one interview nina dating Senador Bongbong Marcos at Defense secretary ng kanyang ama na si Enrile, na bumatikos din sa kakayahan ni dating Pangulong Cory Aquino. 

Si Aquino ang naging pangulo matapos mapatalsik si Marcos mula sa pagkapangulo noong 1986. 

“Your father's successor was not fit for governance,” ani Enrile kay Marcos. 
 
Pero sinalag ng dating tagapagasalita ni Aquino na si Rene Saguisag ang pahayag ni Enrile. 

“Lagi nila sinasabi noon, 'dakilang walang alam si Cory.' Yes, wala siyang alam sa pandarambong. Walang alam sa panadaraya, sa pagnanakaw,” aniya. 

Bukod dito, iginiit pa ni Enrile na hindi siya sumama sa EDSA People Power 1 noong 1986 para kumalas mula sa rehimen ni Marcos. 

Ani Enrile, ginawa niya lamang ito para labanan ang nakaambang military junta laban kay Marcos, na ikinadismiya ng martial law victim na si Trinidad Repuno. 

“Ano 'yun, pakitang tao lang 'yung punta niya doon (sa EDSA)? Itong si Bongbong Marcos gusto lang nitong magpresidente eh. Hindi siya magtatagumpay tututulan namin,” aniya.

Dismayado din ang martial law detainee na si Boni Ilagan sa biglang pagtuligsa ni Enrile. 

 “Hindi ko alam saan kumukuha ng kapal ng mukha si Enrile para baguhin ang kasaysayan,” aniya. 

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.