Ilang residente ng Itogon, nagritwal para sa mga nasawi, nawawala sa landslide

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 02:52 PM | Updated as of Sep 23 2018 03:50 PM

Nag-alay nitong Linggo ang mga Kankanaey ng "Pamakan", isang ritwal na nangangahulugang "pang-kain" para sa kanilang yumaong ninuno. Kuha ni Dennis Datu

BENGUET—Pumalo na sa higit 40 ang bilang ng mga nahukay na bangkay habang higit 30 na lamang ang nawawala kasunod ng landslide ng Barangay Ucab, Itogon. 

Kaya naman nag-alay nitong Linggo ang mga Kankanaey ng "Pamakan", isang ritwal na nangangahulugang "pang-kain" para sa kanilang yumaong ninuno.

Ayon sa Mambunong (native priest) na si Kennedy Waclin, alay raw ito ng mga residente sa kanilang mga yumaong ninuno na itinuturing nilang gabay sa mga nabubuhay. 

Kinatay ang dalawang baboy, sinuri ang apdo nito, na pinaniniwalang nagdadala ng mensahe at buo at maganda ang estado nito at nangangahulugang sumasang-ayon ang mga namayapa sa isinasagawang retrieval operations, kung saan may 36 katao pa ang hinahanap. 

Paraan rin daw ang ritwal ng paghingi ng gabay para mas mapabilis na makita ang mga nawawala pang mga residente, ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan. 

Nangangahulugan rin daw ito bilang paghingi ng proteksyon para hindi na maulit ang landslide. 

Umaasa ang doktor na si Dr. Amelita Pangilinan na may buhay pang mga residenteng natabunan. 

Aniya, kung nagkataong nasa mga “hidden tunnel” ng dating minahan ang mga residente may tsansa pa raw na buhay ang mga ito. Pero kung napasok na raw ng putik at tubig, imposible raw silang makita nang buhay.

Pinauwi na rin nitong Linggo ang mga residenteng lumikas sa mga evacuation centers. Sinagot ng Provincial Office ng Ifugao ang kanilang pamasahe pauwi. 

Pinangakuan naman ng Diocese of Baguio ng 6 buwang ayuda ang mga nasiraan at nawalan ng pera pambayad sa uupahang bahay. 

Ani Father Manny Flores, nasa 200-300 katao ang kanilang mabebenepisyuhan. Mas ligtas raw kasi ito kumpara sa pagtatayo ng isang tent city lalo pa't may mga bagyong maaaring tumama sa bansa sa mga susunod na linggo.

--Ulat ni Justine Aguilar, ABS-CBN News