Ilang Pinoy takot maagawan ng trabaho ng mga dayuhan

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 09:16 PM

Maraming dayuhan ang nabigyan kamakailan ng permit para makapagtrabaho sa bansa, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Pangamba ng ilang Pilipino na naghahanap ng trabaho, baka mabawasan pa ang pagkakataon nila. 

Sa pagdinig para sa 2019 budget ng DOLE sa Senado noong Biyernes, nagbabala si Sen. Franklin Drilon na mas mahihirapan ang mga kabataang Pinoy sa paghahanap ng trabaho dahil sa paglipana ng mga dayuhang binibigyan ng working permit para makapagtrabaho sa Pilipinas.

Kinompirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na 40,000 na dayuhan ang nabigyan ng alien employment permits nitong nakaraang 18 buwan. Nasa 25,000 dito ay napunta sa mga Chinese. 

Pangamba ng ilang Pinoy job applicants, baka mabawasan ang mga oportunidad para sa kanila. 

Ang takot ng ilan, baka mas mapaboran ang mga dayuhan at maagawan sila ng pagkakataon. 

Ramdam din ito ng ilang job applicants na nahihirapang maghanap ng trabaho.

Ngayon pa lang naghahanap na sila ng mapapasukan. Pero hirap daw silang makakita ng kompanyang tatanggap sa kanila.

Pero ang ilang mga negosyanteng Pinoy, pabor sa pagbibigay ng trabaho sa mga Chinese na may angkop na kakayahan. 

Ito'y dahil sa mga klase ng trabahong papasukin, lalo na sa online gaming at mga call center na nangangailangan ng mga empleyadong bihasa sa pagsasalita ng Mandarin at alam ang kultura ng mga Tsino.

Nasa bilyon, anila, ang buwis mula sa mga kompanyang ito, at ang buwis na ito ay nagagamit naman ng gobyerno para sa mga proyekto. 

Handa namang tumulong sa pamahalaan ang mga negosyanteng Tsinoy para magbukas ng labor market sa China para makapagtrabaho ang mga Pinoy doon.

Paalala naman ng isang labor group sa pamahalaan, dapat mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino sa ilalim ng 'Build, Build, Build' program ng pamahalaan. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.