Halos 7,000 trabaho sa gobyerno, alok sa job fair

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 07:32 PM | Updated as of Mar 11 2020 11:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos 7,000 trabaho ang naghihintay para sa mga nais mag-apply sa gobyerno sa job fair ng Civil Service Commission (CSC) mula Setyembre 26 hanggang 27 sa SM City North EDSA Skydome. 

Sa Bureau Of Fire Protection, Bureau Of Jail Management and Penology, at Bureau of Internal Revenue ang may pinakamaraming alok na trabaho.

Sa iba pang ahensiya, nangangailangan din ng mga accounts management analyst, auditors, lawyers, nurses, at administrative officers.

Narito ang ilan sa mga requirements na kailangan dalhin sa job fair: 

 • Personal data sheet at passport-size photo na may pangalan at lagda; 
 • Performance rating sa kasalukuyang posisyon sa loob ng isang taon (if applicable); 
 • Photocopy ng certificate of eligibility/ rating/ lisensya; at 
 • Photocopy ng transcript of records.

Lumuwas pa ng Quezon City ang taga-Laguna na si Norilyn Arcega. Kukunin niya ang kaniyang Civil Service Eligibility na isa sa mga requirement sa pag-a-apply ng mga posisyon sa gobyerno. 

Aniya, pinili niyang mag-apply sa gobyerno dahil sa mga benepisyong maaaring makuha. 

“Mas malaki po 'yung benefits and salary po sa government and then mas malaki ang quota nila kaya mas malaki ang chance ko,” aniya. 

Ayon kay Director IV Maria Luisa Salonga-Agamata ng CSC Public Assistance and Infromation Office, maraming oportunidad ang naghihintay para sa mga government employee. 

“Mayroong mga learning and development opportunities internally sa agency at ganu'n din internationally,” aniya. 

Para sa mga interesado at qualified, maaaring bisitahin ang website ng CSC para makita ang kompletong listahan ng mga alok na trabaho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.