Bunkhouse, simbahan sa Itogon landslide, natumbok na

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 07:48 PM | Updated as of Feb 17 2020 12:05 PM

Watch more in iWantTFC

Natunton na ng search and rescue team ang bunkhouse at simbahan na natabunan sa landslide sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet kaya't sunod-sunod nang nakukuha ang bangkay ng mga taong hinahanap. 

Sa tala ng Philippine National Police-Cordillera nitong Linggo, Setyembre 23, nasa 49 na ang mga nasawi sa Barangay Ucab, pito sa mga ito, nakuha nitong Linggo. Samantala, nasa 19 pa ang hinahanap. 

Nasa 74 naman ang bilang ng kabuuang nasawi sa Itogon. 

Ang dating minerong si Robert Dupahnay, balisang hinahanap ang mahigit apat na pinsang natabunan ng lupa. 

"Hindi ko masasabi na may tsansa pa silang nabubuhay. Accept na namin na napasama sila diyan kaya ang hinahabol namin ma-retrieve lang namin sila para maiayos man lang ang libing," aniya. 

Pinauwi na rin nitong Linggo ang mga residenteng lumikas sa mga evacuation centers. Sinagot ng provincial office ng Ifugao ang kanilang pamasahe pauwi.

Sagot naman ng Diocese of Baguio ang anim na buwang renta sa lilipatan ng bawat pamilya. 

Pero ang ilan, tulad ni Lynda Nabokiag, naghahanap pa rin ng matitirhan matapos tabunan ng lupa ang kanilang tahanan. 

Susunod namang papasukin ng search and rescue team ang mga tunnel kung saan posible umanong nagtago ang iba pang mga hinahanap na minero. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.