Batang babaeng isang linggo nang nawawala, natagpuang patay

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 08:20 PM | Updated as of Sep 23 2018 09:50 PM

DAVAO CITY - Patay na nang matagpuan Linggo ng umaga ang bangkay ng isang anim na taong gulang na babaeng isang linggo nang nawawala.

Nakita ng mga awtoridad ang bangkay ng bata sa isang gubat sa bahagi ng Matina Pangi sa Davao City.

Kinumpirma ng inang si Sally Laquinario na sa anak niya ang nakitang bangkay dahil sa suot nitong pulang tsinelas.

Unang rumesponde ang Barangay Disaster Risk Reduction Management ng Matina Crossing 74-A dahil sa natanggap nilang report na may nakitang bangkay ng bata sa lugar.

Agad naman nila itong ipinaalam sa magulang ng bata na una nang humingi ng tulong sa kanilang tanggapan.

"Duha ka bata man gud ang nawala sa Matina Pangi bantug giadtuan namo ni og gipaconfirm sa mama nga mao jud ning anak nga nakita," ani Kenneth Jopson, hepe ng BDRRM Matina Crossing.

(Dalawang bata kasi ang nawawala sa Matangi Pangi kaya pinuntahan namin iyon at pina-confirm sa ina kung ito nga ba talaga ang kanyang anak na nakita.​)

Base sa assessment ng Scene of the Crime Operatives, nasa advance state of decomposition na umano ang bata, pero hindi pa matiyak ng SOCO kung may indikasyon na ginahasa ang biktima bago ito pinatay.

"Yung nakatabon sa kaniya na balat ng coconut may sign na parang susunugin ang bata," ani Police Chief Inspector Nolan Genova, medico legal ng PNP Crime Laboratory XI.

Magkakaroon pa ng serye ng eksaminasyon ang SOCO upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng bata.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang kapulisan sa posibleng responsable sa pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.