Babae pinagsasaksak habang kausap umano ang nobyo sa telepono

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 06:42 PM

CAINTA, Rizal - Patay ang isang babaeng medical representantive sa kaniyang bahay sa bayang ito matapos saksakin ng hindi bababa sa 10 beses habang kausap umano ang kaniyang nobyo sa telepono. 

Nakilala ang biktimang si Maria Kathrina Nakpil, 25 anyos. 

Ikinuwento ng kasintahan ni Nakpil na galing siya sa isang coffee shop sa Marcos Highway nitong Biyernes at kausap sa telepono ang biktima nang marinig na tila may umaatake rito, ayon sa pulisya. 

Bumalik umano sa Cainta ang lalaki upang tiyaking ligtas si Nakpil, pero nakita niyang duguan at nakahandusay ang biktima nang silipin mula sa bintana ng bahay. 

May tatlong persons of interest sa pananaksak, ayon sa hepe ng Cainta police na si Supt. Pablito Naganag sa panayam ng DZMM nitong Linggo. 

Kinumpirma rin niyang walang forced entry sa crime scene. 

Sinabi naman ng mga kaanak na walang kaaway si Nakpil. 

"'Pag may nang-aaway diyan kasi, 'di yan lumalaban. Napakabait ng kapatid ko po. Di 'yan nananakit o kahit na ano. Nagsasabi yan sa 'kin kung meron s'yang problema," sabi ng kapatid nitong si Maria Louella. 

Inaasahang matatanggap ng Cainta police ang ulat ng Scene of the Crime Operatives ngayong araw. 

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.